Tuesday, 25 June 2013 15:54

Mga Kaalaman tungkol sa Kolon Kanser

Written by 
Rate this item
(1 Vote)

*Ano ang Kolon Kanser ?

 

Ang kolon kanser ay kanser ng malaking bituka (large intestine). Ito ay nasa ibaba o panghuling bahagi ng sistemang panunaw (ng pagkain) o “digestive system” ng ating katawan. Ang rektal kanser naman o kanser sa tumbong  ay nasa huling labing-limang sentimentrong (15 cm.) bahagi ng malaking bituka. Kapag magkasama, ito ay karaniwang tinataguriang kolorektal kanser (colorectal cancer).

 

Ang kolorectal kanser ay pangatlo sa pinakalaganap na kanser sa Pilipinas at maging  sa buong mundo. Ang kolon kanser ay lubhang nakamamatay subalit ito ay maaring mabigyan ng lunas kung maaagapan.

 

Pangkaraniwang ang kolon kanser ay nagsisimula bilang maliit na polip (polyp). Ito ay para lamang maliit na butlig o nunal sa loob ng ating malaking bituka. Sa paglipas ng maraming taon, ang ilan sa mga polip na ito ay maaaring maging kanser. Bihirang may sintomas na mararamdaman kapag mayroong polip. Ang pinakamainam gawin ay regular na magpasuri sa doktor upang maalis ang mga polip bago pa ito maging kolon kanser.

 

*Paano malalaman kung mayroong kolon kanser?

 

Maraming kaso ng kolon kanser ay walang sintomas, bagamat ang mga sumusunod ay maaring maging palatandaan nito:

 

  1. 1.Mga pagbabago sa ugaling pagdumi –pagtatae (diarrhea) o pagtitibi (constipation).
  2. 2.Dugo o bahid ng dugo sa dumi.
  3. 3.Walang lubay na pananakit ng tiyan o puson at pagkakaroon ng kabag (gas or cramps).
  4. 4.Pananakit ng tiyan/puson habang dumudumi.
  5. 5.Pakiramdam na parang hindi lubos ang pagdumi.
  6. 6.Hindi maipaliwanag na Anemya o pagkukulang sa dugo.
  7. 7.Panghihina at pagkahapo.
  8. 8.Pagbaba ng timbang na walang maipaliwanag na dahilan.
  9. 9.Pagkitid ng sukat ng dumi.

10.Pagkaduwal (nausea) at pagsusuka.

 

Sa pamamagitan ng tamang pagsusuri, ang kolon kanser ay maaring matuklasan bago pa magkaroon ng mga sintomas, kung kalian ito ay pinakamadaling maagapan at mapagaling.

 

*Sino ang nanganganib magkaroon ng kolon kanser?

 

*EDAD - halos siyamnapung bahagdan (90%) ng mga taong nagkakaroon ng kolon kanser ay nasa edad limampu (50 years old) pataas. Bagamat ang mga kabataan ay maari ring magkaroon, ito ay mas bihira.

 

*KASAYSAYAN SA PAMILYA – kung  may miyembro ng pamilya ang nagkaroon ng polip o kolon kanser, mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon nito.

 

* INFLAMMATORY BOWEL DISEASE – ang mga  taong may kundisyon o malalang sakit na pamamaga ng kolon tulad ng ulcerative colitis o Crohn’s disease ng mahabang panahon ay mas nanganganib magkaroon ng kanser sa kolon. Sa kabutihang palad, bihira lamang ang mga ganitong sakit sa bansa.

 

*PAGKAKAROON NG KOLON KANSER – ang taong nagkaroon na ng kolon kanser ay maaring magkaroon uli sa pangalawang pagkakataon.  Ang mga babaeng nagkaroon ng kanser sa matris, obaryo at suso ay mas nanganganib magkaroon ng kolon kanser.

 

*DIYETA – ang kolon kanser ay maaring maiugnay sa  diyetang mababa sa hibla (fiber), mataas sa taba (fats), kaloriya (calories), pulang karne (red meat), at naprosesong pagkain (processed foods).

 

*HINDI MALUSOG NA GAWAING PAMUMUHAY – kulang sa aktibong mga gawain; paninigarilyo; malakas na pag-inom ng alak.

 

*MAY KATABAAN (OBESITY) O  MAY TYPE II DIYABETIS (DIABETES).

 

*Ano ang mangyayari kapag  may kolon kanser?

 

Ang kolon kanser ay kadalasang nagsisimula sa panloob na balot (lining) ng malaking bituka. Sa paglaki ng tumor, maaari itong bumara sa dinaraanan ng dumi kung kaya nagkakaroon ng mga sintomas. Ang tiyan ay maari ring lumaki at ang malaking bituka ay maaring mabutasAng kolon kanser ay maaring  kumalat sa ibang mga bahagi ng katawan (metastasis) sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika. Ang karaniwang pinipuntahan ay ang atay, baga at peritonyo (peritoneum).

 

Ang kolon kanser ay may mga antas (stages) ayon sa kalubhaan (severity).

 

Stage 1 – ang kanser ay nasa loob lamang ng dinding (wall) ng malaking

                  bituka.

Stage 2 – ang kanser ay lumabas na sa dinding  ng malaking bituka.

Stage 3 - ang kanser ay kumalat na sa mga kulani (lymph nodes)     

                  na nakapalibot sa kolon.

Stage 4 - ang kanser ay kumalat na sa ibang bahagi ng katawan.

 

*Paano sinusuri ang kolon kanser?

 

Ang kolon kanser ay dapat matuklasan nang maaga, habang wala pang sintomas. Ito ay maaaring matamo sa pamamagitan ng pagsusuri  gamit ang colonoscopy, fecal occult blood test (FOBT) na may kasamang  flexible sigmoidoscopy; barium enema o CT virtual colonoscopy.

 

 Sa isang banda, kung meron ng nararanasang mga palatandaan ng kolon kanser or polip, ang  colonoscopy ang naaangkop na gamitin. Kung ang polip

 ay matagpuan, ito ay maaari nang tanggalin at ipasuri sa laboratory upang malaman kung ito ay malignant. Ang pagtanggal ng mga polip ay makatutulong upang ito ay hindi na maging kanser sa paglipas ng mga taon. Ganito rin ang gagawin kung tumor ang matagpuan sa bituka.

 

*Paano mapapagaling ang kolon kanser?

 

Ang pangunahing lunas sa kolon kanser ay operasyon (surgery). Ang mga bahagi ng bituka na apektado gayun din ang mga kulani ay tatanggalin.

Kung ang kanser ay maliit pa, ito ay pwedeng gamitan ng minimally-invasive laparoscopic surgery. Bukod sa maliliit ang butas, ito ay mas hindi masakit at mas mabilis ang pagpapagaling. Ang ibang kaso na kanser ay maaring mangailangan ng chemo at radiation therapy.

 

Ang impormasyong ito ay hindi pamalit sa mga payong medikal. Magtanong at sumangguni sa mga espesiyalista.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.">This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.

Read 5609 times Last modified on Tuesday, 25 June 2013 15:58