Print this page
Thursday, 24 October 2013 14:05

Pagtitistis ng Malaking Bituka at Tumbong (Colorectal Surgery)

Written by 
Rate this item
(1 Vote)

Pagtitistis ng Malaking Bituka at Tumbong (Colorectal Surgery)

 

Ang pagtitistis o pag-oopera ng malaking bituka (colon)at tumbong (rectum)ay ang pagsasaayos ng mga pinsalang natamo ng alin mang bahagi ng malaking bituka, tumbong, o puwit sanhi ng mga sakit tulad ng kanser, diverticulitis, inflammatory bowel disease (ulcerative colitis and Crohn's disease) at iba pa, sa pamamagitan ng iba’t-ibang pamamaraan. Ang mga aksidenteng pinsala, pagbabara, pagkapunit o pagkabutas, mga bukol o peklat na dahilan ng pagbabara ay maari ring mangailangan ng operasyon. Ang pagsasaayos ng mga pinsala ay magpapanumbalik sa normal na sistema ng pagdumi. Ang iba pang mga kundisyon na maaaring mangailangan ng pagtitistis ay almuranas, anal fissures, prolaps, kawalan ng pagpipigil sa pagdumi (bowel incontinence), at kulugo sa puwit (anal warts).

Mga Uri ng Pagtitistis

 

May iba’t ibang pamamaraang ginagamit ang mga siruhano (surgeon) upang gamutin ang mga pinsala ng  malaking bituka at puwit. Noong mga naunang panahon, kalimitang ang pagtitistis ay ginagawa sa pamagitan ng isang malaking paghiwa sa tiyan at pagsasa-ayos ng mga pinsala sa bituka.  Ang karaniwang ginagawa ay ang pagputol at pagtanggal ng apektadong parte ng bituka (resection) at pagkabitin ang mga hindi napinsalang parte (anastomosis). Ang iba pang klase ng operasyon ay ang pagtahi ng mga punit sa puwit, pagtanggal ng almoranas  at pagpapasikip ng spincter muscle.

Karaniwan din noon ang paglalagay ng ostomy. Ito ay ang paglalagay ng butas mula sa loob ng katawan palabas upang tanggalin ang mga ihi at dumi  (urine and feces) ng katawan. May mga uri din ang ostomy. Ang colostomy ay ang paglabas ng bahagi ng malaking bituka sa may tiyan upang mailabas ang dumi ng katawan patungo sa isang lalagyan (pouch). Sa ileostomy naman, ang lahat ng parte ng malaking bituka, tumbong at puwit ay inaalis at ang pinakadulong bahagi ng maliit na bituka (ileum) ang siyang nagiging stoma.

 

Sa kasalukuyan, ang laparoscopic surgery ay ginagamit sa maraming sakit at pinsala ng bituka kabilang na ang mga maagang kanser. Sa ganitong operasyon, ang siruhano ay nagpapasok ng instrumentong may nakakabit na maliit na kamera (laparoscope) sa maliit na hiwa sa tiyan. Ang operasyon ay may mas kakaunting komplikasyon, mas mabilis, mas hindi masakit, at mas may maliit na pilat. Ito ay nangangahulugan din ng mas maikling araw ng pananatili sa loob ng ospital.

 

Makailan lamang, mayroong mas makabagong pagsulong sa teknolohiya ng pag-oopera. Ito ay ang robotic surgery. Dito, ang siruhano ay gumagamit ng computer na nagkokontrol ng mga maliliit na instrumentong nakakabit sa robot.

 

Desisyon sa Pagtitistis

 

Ang ilang mga kondisyon ng may sakit ay maaaring matugunan ng minimally-invasive surgery.  Samantala,  ang ibang mga sakit tulad ng kanser ay maaring mangailangan ng ostomy, isang mas mabigat na operasyon.  Ang desisyon ng doktor upang irekomenda ang operasyon ay nakasalalay sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng kasaysayang medikal ng pasyente, tindi ng sakit o kirot na nararanasan, at mga resulta ng dyagnostikong ginawa sa kanya.

 

Mga paghahanda bago ang operasyon

 

Sasabihin ng doktor ang mga  gagawin sa operasyon, ang mga posibleng masamang epekto nito, at ang mga inaasahang mararanasan matapos ang operasyon. Katulad ng kahit anong pagtitistis, ang pasyente ay papipirmahin ng isang kasulatan ng pagsang-ayon o pagpapahintulot (consent form). Bilang paghahanda sa operasyon, ang manggagamot ay maaring humiling ng mga pag-aaral ng dugo at ihi ng pasyente, ganun din ng iba’t ibang   x-ray at electrocardiograph (EKG). Maari ding mag-alok at magbahagi ang doktor o nars sa pasyente o mga kaanak nito ng mga katuruan patungkol sa pamamahala ng ostomy.

 

Upang maging malinis ang bituka bago ang operasyon, ang pasyente ay maaring hilingin ng doktor na huwag kumain o uminom ng kahit ano ilang oras bago ang pagtitistis. Maari ding painumin ng mga gamot na pampadumi o gumamit ng labatiba (enema). Maari ding painumin ng antibiotics upang kumaunti ang bakterya sa bituka upang maiwasan ang impeksiyon matapos ang operasyon.

 

Pangangalaga matapos ang operasyon

 

Matapos ang operasyon, imomonitor ang presyon ng dugo, pulso, paghinga, at temperatura ng pasyente hanggang ito ay bumalik sa normal.  Tuturuan ang pasyente kung papaano susuportahan inoperahang bahagi ng katawan habang humihinga nang malalim at umuubo, bahagi ng ehersisyo matapos ang operasyon. Maaari din siyang bigyan ng gamot  sa kirot kung nararapat.  Sinusukat din ang  lahat ng likidong (liquid) pumapasok at lumalabas sa kanyang katawan. Ang kulay at katas ng  sugat ay inoobserbahan.  Karaniwang pinapatayo na ang pasyente at pinapaupo sa silya kinagabihan ng operasyon. Karamihan ay nakakalabas na ng ospital makalipas ang dalawa o apat na araw.

 

 Mga panganib

 

Ang mga potensyal na panganib matapos ang operasyon ay madalas na nangyayari habang ang pasyente ay nasa ospital pa. Ang kanyang pangkalahatang kalagayan ng kalusugan bago ang pagtitistis ay nagpapahiwatig ng mga potensyal na panganib. Dapat bigyang tuon ang mga problema sa puso at mababang immune system ng pasyente.

 

Normal na resulta

 

Ang lubusang paggaling ng may sakit na walang anumang kumplikasyon ay inaasahan. Ang panahon ng  pagpapagaling ay iba-iba depende sa pangkalahatang kalagayan ng kanyang kalusugan bago ang operasyon. Ang mga pagbabago sa diyeta ay minimungkahi upang maiwasan muli ang pagkakasakit o upang mapangalagaan ang kasalukuyang kalagayan.

 

Ang mga payo patungkol sa mga pagbabago ng kasalukuyang  pangaraw-araw na pamumuhay ay ibinabahagi sa pasyente.

 

Matapos ang pagpapa-uwi

 

Ipaalam agad sa manggagamot kung maranasan ang matinding kirot, pamamaga, pamumula, pamamasa o pagdurugo ng sugat. Ipaalam din kung may pananakit ng ulo at kalamnan, pagkahilo, pagsusuka o pagduduwal, lagnat, pagtitibi o pangingitim ng dumi.

Ang impormasyong ito ay hindi pamalit sa mga payong medikal. Magtanong at sumangguni sa mga espesiyalista.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.">This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

 

Read 5503 times Last modified on Thursday, 24 October 2013 14:11